Panukalang ibaba ang edad ng may pananagutang kriminal sa 9 anyos, lumalabo ang pag-asang makalusot sa Kamara

Image from Divergent's Sanctuary

MAYNILA, Pilipinas – Dahil sa pagtamlay ng suporta ng mga kongresista, mukhang lumalabo umano ang tsansa ng panukalang ibaba ang edad ng kabataang may pananagutang kriminal sa 9 na taong gulang; ito ang inamin ng isang mataas na opisyal sa Kamara.

Ayon kay Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House committee on justice, lumiliit ang posibilidad na makalusot sa Mababang Kapulungan ang naturang panukala dahil humihina na ang suporta nito mula sa kaniyang mga kasamahan.

Ang panukalang batas na ipinasa nina Speaker Pantaleon Alvarez at Deputy Speaker Fredenil Castro ay naglalayong ibaba ang edad ng maaaring managot sa batas mula sa 15 anyos hanggang 9 anyos na lamang.

Layunin umano ng nasabing panukala na matigil na ang pag-aabuso ng mga kabataang kriminal sa kasalukuyang batas dahil alam nilang malulusutan nila ito.

Subalit ayon kay Umali, mas tanggap umano ng kaniyang mga kasamahan na ibaba sa edad 12 na lamang imbes edad 9 ayon sa Rep. Divina Grace Yu, chairperson ng House committee on welfare of children.

Nitong Sabado, iginiit ng Malakanyang na pinananinindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suporta para sa panukalang isinusulong ni Speaker Alvarez sa Kamara.

“Lowering the age of criminal liability is part of the legislative agenda of President Duterte as a means to ensure that the Filipino youth would accept responsibility for their actions and be subjected to government intervention programs,” ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Dati nang binatikos ni Pangulong Duterte ang Republic Act 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na ipinasa ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na nagtaas ng edad ng mga may kriminal na pananagutan mula sa 9 anyos hanggang 15 anyos.

Sa mga nakaraang talumpati ng Pangulo,  minsan ay tinawag niya itong ‘that stupid Pangilinan law’.