Para sa Mother’s Day: Babaeng bumbero sa QC, mabait na nanay sa bahay

Image capture from GMA News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Dahil malapit na ang ‘Mother’s Day’ dapat lamang na bigyan ng pagpapahalaga ang pinakaimportanteng babae sa buhay ng karamihan —  si Nanay.

Tulad na lamang ni Senior Fire Officer 1 Aldin Gualberto, isang team leader ng mga bumbero sa Quezon City Fire Station sa Fairview, na sa kabila ng pagiging mahirap at delikado ang trabaho ay hindi pa rin nagkukulang sa kaniyang responsibilidad sa bahay at sa kaniyang mga anak.

Ayon sa GMA News, si SFO1 Gualberto ay nagsimulang magtrabaho bilang bumbero simula pa noong 2007. Sa kasalukuyan ay mayroon siyang hawak na apat na bumbero bilang team leader.

Sa kabila ng kaniyang mabigat na responsibilidad sa trabaho, hindi pa rin niya nakalilimutan na ipagluto ang kaniyang mga anak tuwing uuwi sa bahay.

“‘Pag-uwi mo galing sa trabaho, makikita mo ‘yung mga anak mo na kumpleto at happy sila, malusog — kahit hindi kayo magkasama n’ong maghapon, nakakawala ng pagod,” ani Gualberto sa panayam ng GMA ews.

Hinahangaan din siya ng mga kasamahan dahil sa kaniyang dedikasyon sa trabaho.

“Pagdating po sa workplace, kailangang mag-doble effort ka na patunayan na kaya mo… na kung ano ‘yong ginagawa nila ay kaya mo rin,” dagdag pa ng nanay na bumbero.

Ganunpaman, isa umano sa kaniyang kinatatakutan ay ang dumating ang pagkakataon na ang mga anak niya mismo ang malagay sa panganib at kailangan niyang iligtas.

“Mahirap sa pakiramdam ng isang ina na ginagawa mo ‘yong trabaho mo para sa bayan, tapos ‘yong sarili mong pamiliya, hindi mo magawang maligtas,” dagdag pa ni SFO1 Gualberto.

Source :

GMA News