Pari sa Iloilo patuloy na inirereklamo dahil sa hindi maayos na pakikitungo sa mga parishioners

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Patuloy na inirereklamo ang isang pari sa Iloilo dahil umano sa hindi magandang pagtrato at pakikitungo sa kaniyang mga parishioners na mistulang nauubos na ang pasensiya.

Dati nang inireklamo ng mga tao si Monsignor Juanito Tuvilla ng bayan ng Sta. Barbara dahil sa ilang kontrobersiya tungkol sa kaniyang hindi magandang gawi sa parokya.

Ilang taon na ang nakararaan nang mabalita rin ang pagsigaw at pagkagalit nito sa mga abay sa isang kasal dahil sa maiikli umano ang suot na damit. Minsan ay inireklamo rin si Tuvilla dahil sa umano’y bastos na asal sa isang libing.

Ayaw din daw umanong ipagamit ng pari ang palikuran ng simbahan sa mga babaeng parishioner at minsan ay sinita rin nito ang isang bata na umaawit ng tribute song sa libing ng kaniyang lola.

Noong Enero 2016, napilitang magpasa ng resolution ang lokal na pamahalaan para imbestigahan si Tuvilla dahil sa magaspang na ugali nito noong turn-over ng bagong repair na Sta. Barbara Church  sa National Historical Commission of the Philippines (NCHP).

Tumanggi umanong pirmahan ni Tuvilla ang dokumento dahil may kulang pa sa mga inayos sa simbahan; bagay na nagpahiya sa alkalde ng bayan na si Mayor Dennis Superficial.

Subalit humingi naman ng dagdag na pasensiya si Monsignor Jose Mari Delgado, direktor ng Jaro Archdiocesan Commission on Social Communications, dahil hindi pa umano maaksiyunan ang reklamo laban kay Tuvilla sapagkat kailangan pa itong rebisahin ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo na ngayon ay may karamdaman.