PH, China nilagdaan ang P3.6-B na grant para sa pagpapatayo ng 2 tulay sa Pasig River, drug rehab facilities

Image from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Matapos ang 3-araw na pagbisita sa China, uuwi si Pangulong Rodrigo Duterte baon ang nilagdaang kasunduan na magbibigay ng grant sa Pilipinas na nagkakahalaga ng 500-M Chinese Yuan o halos P3.6-B.

Ang naturang halaga ay ilalaan sa pagpapatayo ng 2 tulay sa Ilog Pasig at konstruksiyon ng ilang pasilidad para sa mga drug dependent sa bansa.

Ang mga tulay na itatayo ay ang Binondo-Intramuros Bridge at ang Estrella-Pantaleon Bridge malapit sa Guadalupe Bridge.

Samantala, P360-M naman mula sa naturang halaga ang ilalaan para sa pagpapatayo ng mga drug rehab facilities sa Mindanao.

“The agreement will serve as the basis for the grant to be provided by China to the Philippines to implement the grant of RMB 500,000,000,” anang pahayag na inilabas ng Malakanyang.

Lumipad patungong Beijing si Duterte para dumalo sa ‘One Belt One Road’ summit na isang maambisyosong proyekto ng pinakamalaking komunistang bansa sa mundo.

Maliban sa naturang grant, pumirma rin ang ilang opisyal ng Pilipinas at ng China sa apat pang hiwalay na kasunduan.

Ang mga ito ay ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa “Cooperation in Human Resource Development”, “Energy Cooperation” at ang kasunduan sa pagitan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ng International Publishing Group ng China.