Piloto, 2 crewmen patay matapos mag-crash ang helicopter sa Tanay

Image from Brigada News Image from Brigada News

Tatlo ang namatay at isa naman ang sugatan matapos bumagsak ang isang military helicopter sa Tanay, Rizal Huwebes ng hapon, ika-4 ng Mayo.

Ayon sa ulat ng GMA, nangyari ang insidente dakong alas-tres ng hapon habang nagsasagawa ng rescue operations training ang mga sundalo at ilang pulis. Agad na namatay ang piloto at dalawang crewmen. Isang crewman ang nakaligtas pero nagtamo ito ng mga sugat at dinala sa AFP Medical enter upang malapatan ng lunas.

Isang UH-1D helicopter ang gamit ng mga biktima, ayon kay Lt. Xy-zon Meneses, ang spokesperson ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army. Hindi pa umano inihahayag ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang hindi pa naaabisuhan ang kanilang pamilya.

Ayon pa kay Meneses, ginagamit ng 60 military personnel mula sa 2nd Infantry Division at 12 pulis mula sa Region 4A sa air to ground and disaster rescue operation ang nasabing helicopter.

“Dito sa Camp Capinpin ang training venue. Tapos na ‘yung practical exercise nila for the day kaso nag-trouble ‘yung isang chopper nung pa-landing,” ani Meneses.

Bilang bahagi ng standard operating procedure, grounded na ang lahat ng UH-1D helicopter habang iniimbestigahan ang sanhi ng sakuna.