Pinay nurse, patay matapos pagbabarilin sa loob ng nursing home sa Ohio

Image capture of video by ABS-CBNImage capture of video by ABS-CBN

Isang Filipina nurse sa nursing home sa Ohio ang pinagbabaril hanggang mamatay ng isang lalaki na sinasabing dating karelasyon ng biktima.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, pinagbabaril ng suspek si Marlina Medrano, 46-taong gulang, sa nursing station ng Pine Kirk Care Center sa Kirkesville. Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala ng baril. Patay rin sa pamamaril ang 48-anyos na nurse aide na si Cindy Krantz.

Nauna dito, binaril din at napatay ng suspek na kinilalang si Thomas Hartless, 43-anyos, ang hepe ng pulisya ng Kirkesville na si Eric Disario.

Ang suspek na si Hartless ay nagkaroon umano ng romantikong relasyon sa Pinay nurse na si Medrano. Ang biktima ay may mga civil protection orders na laban sa suspek dahil may history ito ng domestic violence.

Nakulong na ang suspek dahil sa pananakal, pambubugbog, paninipa at pagtatangkang sagasaan nito si Medrano. Anim na linggo matapos makalaya ay ginawa na ni Hartless ang pamamaril sa nursing home.

Matapos ang ginawang krimen, nagbaril din sa sarili ang gunman.