Pinay OFW sa Hong Kong, Hinatulan ng Guilty sa Pag-abandona ng Kaniyang Nasawing  Sanggol

Public domainPublic domain

Hinatulan ng guilty ang isang overseas Filipino worker (OFW) dahil sa pag-abandona sa kanyang nasawing bagong silang na sanggol na lalaki sa Hong Kong noong 2016.

Magugunitang noong Marso 21, 2016 palihim na nanganak ang domestic helper na si Aileen Ongcoy Grado, 37, sa loob ng bahay ng kanyang amo, ayon sa ulat ng Inquirer.

Ngunit makalipas lang ang ilang sandali, huminto sa pag-iyak at wala nang buhay ang sanggol.

Ayon sa ulat ng South China Morning Post, ibinalot ni Grado ang kaniyang sanggol sa mga damit at plastic bag kasunod ang pagtago sa isang toilet sa Tsuen Wan dahil sa takot na matuklasan ito ng kaniyang amo.

Si Grado ay nauna nang kinasuhan ng one count ng infanticide ngunit ibinaba ito matapos lumabas sa autopsy report na wala namang galos at sugat na nakita sa sanggol. Nahatulan si Grado ng 12 buwang pagkakakulong.

Abril 4, 2016 nang natagpuan ang mga labi ng sanggol, dahilan upang sumuko si  Grado sa Philippine Consulate General.