Pinay sa Hong Kong nahulog mula sa ikapitong palapag ng gusali habang naglilinis ng bintana

Image capture of video by Digital Quill

Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang Pilipina nang mahulog siya mula sa ikapitong palapag ng gusali kung saan siya naninirahan sa 179 Tung Choi Street, Yau Tsim Mong District sa Hong Kong.

Ayon umano sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo mula sa mga Pilipinong nagtatrabaho doon, nawalan daw ng balanse ang Pinay habang naglilinis ito ng bintana ng kanyang tinitirhang apartment na nasa ikapitong palapag.

Bumagsak ang biktima sa ikalawang palapag ng gusali kung saan siya natagpuang walang malay. Agad siyang isinugod sa ospital upang maisalba, ngunit binawian rin siya ng buhay.

Dahil umano sa pagkatuliro, ang asawa ng biktima na isa ring Pilipino ay hindi nakapagbigay ng pahayag tungkol sa nangyari sa misis.

Mula noong taong 2015, labing-isa na ang naitalang nahulog sa matataas na gusali sa Hong Kong habang naglilinis ng bintana.

https://www.youtube.com/watch?v=MtjpCVmqzyM