Pinoy bus driver na nakapatay ng 4 katao, muling ipasusuri ang kalagayan ng pag-iisip

Image from Saudi GazetteImage from Saudi Gazette

MAYNILA, Pilipinas – Sa kabila ng mahigit 9 na taon na pag-usad ng kaso, napagpasiyahan muli ng korte sa Saudi Arabia na ipasuri ang mental na kalagayan ng isang Filipino bus driver na nakasagasa at nakapatay ng apat katao.

Sa utos ng Summary Court sa Jeddah ngayong buwan, nais nitong ipasuri ang kalagayan ng pag-iisip ng Pinoy bus driver na si “Reno” sa ikalawang pagkakataon.

Si Reno ang nagmamaneho ng tinawag na ‘death bus’ noong Nobyembre 2008 kung saan pinatakbo nito nang mabilis ang sasakyan sa kasalubong na linya sa may Haramain Road sa Jeddah. Inararo ng nasabing bus ang ilang mga sasakyan na nauwi sa pagkamatay ng pamilyang may 3 miyembro at isang Bangladeshi national.

Nangagamba si Mohammed Ayed Al-Qarni, ang 70 anyos na padre-de-pamilya ng mag-anak na nasawi, na maaaring kamatayan na rin niya ang kaso na hindi pa napaparusahan ang akusado lalo pa’t ang dati nilang abugado ay pumanaw na rin.

“I drive for about 600 km to attend court sessions. I have never lost hope for justice,” himutok pa ni Al Qarni.

Nahaharap sa parusang kamatayan si “Reno” kapag napatunayang wala itong problema sa pag-iisip nang mangyari ang trahedya.

Nauna nang napatunayang nagkasala ang Pinoy driver ng isang mababang korte at hinatulan ito ng bitay. Ipinag-utos din nito ang pagbabayad ng SR 250,000 bilang ‘blood money’ sa pamilya ng mga nasawi.

Subalit ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang naturang hatol at iginiit na mayroon ngang problema sa pag-iisip ang akusado base sa naunang lumabas na resulta ng mental exam.

Dahil dito, ibinalik ng CA ang kaso sa Summary Court na siya namang nagdesisyon na muling ipasuri ang driver sa ikalawang pagkakataon.