Planong “ambush me” ni Atong Ang na ibibintang kay Aguirre at Esperon, ibinunyag ng DOJ secretary

Image capture of video by News5

Isang reliable source daw ang naghatid ng impormasyon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre na magsasagawa ng pekeng ambush sa sarili o ‘yung tinatawag na “ambush me” si Charlie “Atong” Ang – na isa umanong gambling lord.

“This weekend, mayroong mag-i-stage ng ‘ambush me’ para ‘yung pag-ambush na ‘yan ay kami na naman ang pagbintangan ni Secretary Esperon na siyang nagpa-ambush sa kanya,” wika ni Aguirre sa mga mamamahayag.

Ayon sa ulat ng Philstar, sinabi umano ng Kalihim ng DOJ na ang plano ni Ang na kunwaring pang-a-ambush sa sarili ay gagamitin ni Senator Antonio Triallanes IV para i-justify o pangatwiranan ang balak nitong magsagawa ng Senate investigation sa mga naunang akusasyon ni Ang.

Nauna nang pinaratangan ni Ang si Aguirre at National Security Adviser Hermogenes Esperon na plano raw siyang ipapatay ng mga ito upang makontrol nila ang operasyon ng Small Town Lottery sa ibang lalawigan.

Matapos itanggi ang bintang ni Ang, hinamon ito ni Aguirre na maglabas ng ebidensiya at huwag puro alegasyon lamang.