PNoy sa umano’y pagkakasangkot sa ‘pork barrel scam’: Napaka-absurdo

Image capture of video by ANC

MAYNILA, Pilipinas  –  Muling itinanggi ni dating Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang alegasyon na umano’y sangkot siya sa pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles.

Ayon kay Aquino, napakahirap paniwalaan ang mga ganyang akusasyon dahil, unang-una umano, ay nasa oposisyon siya noong ang naturang PDAF scheme ay pinahintulutang mangyari.

“Napaka-absurdo (absurd). Noong time na ginagawa niya ‘yang scheme na ‘yan, ako ay nasa oposisyon. So ‘yung nasa oposisyon ang nag-utos sa nakaupo noon, na kalaban nila, na pahintulutan itong scheme na nangyari?” paliwanag ni Aquino sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules.

“So kung mayroong maniniwala doon, baka dapat ay manigurado siyang gising na muna siya bago siya nag-iisip dahil mahirap ‘yung naglalakad na nananaginip, na nakadilat ang mata,” dagdag pa nito.

Hindi rin pabor si Aquino sa plano ng Department of Justice (DOJ) na kuning state witness si Jane Lim-Napoles sa bubuksang panibagong imbestigasyon sa scam.

Ayon sa dating Pangulo, ang pagkakaalam niya, ang maaari lang kunin, ayon sa batas ay iyong ‘least guilty’ sa kaso.

“Itong taong ito nasa gitna. Siya ‘yung nag-coordinate ng lahat ng mga kontsabahan para mangyayari ‘yung PDAF scam so parang ang hirap intindihin na hindi siya magiging isa dun sa pinaka-principal na hindi puwedeng gawing state witness,” ani Aquino.

Lumabas ang pahayag ng dating presidente matapos ibulgar ni dating Negros Oriental representative Jacinto “Jing” Paras na minsan ay narinig niyang sinabi ni Napoles na tumanggap din si Aquino ng commission mula sa kaniya.