Police trainee na lulong umano sa sugal, arestado sa pangingikil

Images from RMN Iloilo

MAYNILA, Pilipinas  –  Arestado ang isang police trainee sa Iloilo City matapos itong mahuli sa isang entrapment operation na nangingikil sa isang retiradong empleyado ng gobyerno.

Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na ilang beses binalik-balikan ni  Glenn Garbosa, 28 anyos, residente ng Zone 8, Brgy. Veterans Village ng nasabing lungsod ang biktimang si Rey Fajutrao, 65 anyos at residente ng Lopez Jaena St., Brgy. San Isidro, Jaro para lamang hingan ng pera.

Una umanong pinasok sa bahay ni Garbosa si Fajutrao noong Abril 26 at tinakot itong aarestuhin kung hindi isusuko ang kaniyang mga baril. Nagpakilala umano ang suspek na operatiba ng pulis at humingi ng P37,000 para iproseso ang lisensiya ng mga baril ng biktima.

Ayon sa ulat ng RMN Iloilo, bumalik pa nang mga sumunod na araw si Garbosa at humingi ng pera sa mga naturang petsa: Abril 27 – P50,000; Abril 30 – P40,000; Mayo 1 – P20,000; Mayo 2 – P23,000; at Mayo 3 – P15,000.

Noong Mayo 4, muli umanong nagtext ang suspek at humingi ng P12,000 subalit hindi nagreply ang biktima. Binantaan din umano ang huli na ipapa-raid ang kaniyang bahay kapag hindi nagbigay muli ng pera.

Dahil dito, ikinasa ng kapulisan ang entrapment operation at naaresto ang suspek sa bahay ng biktima Mayo 5.

Lumalabas na isa palang police trainee si Garbosa na nakadestino sa Camp Martin Delgado. Lulong daw ito sa pagka-casino kaya marahil nakuhang mangikil ng pera.

Kasalukuyan nang nakakulong si Garbosa sa Jaro PNP at nahaharap sa kasong extortion at illegal possession of firearms.