Presyo ng Bigas, Tumaas ng P60 Hanggang P100 Kada Sako

Larawan mula sa TV Patrol via Facebook pageLarawan mula sa TV Patrol via Facebook page

“Kung makapag-aangkat agad ang Pilipinas ng bigas, bababa ba ang presyo nito?”

Iyan ang tanong ng marami. Dangan kasi’y biglang tumaas ang presyo ng bigas; mula P60 hanggang P100 kada sako.

Ang ilan sa mga nagtitinda sa palengke ay napaaray dahil sa umano’y biglang pagtaas ng presyo ng bigas na ibinabagsak sa kanila ng wholesaler.

Wala ring magagawa ang mga nagtitinda kundi itaas din ang presyo ng bigas sa mga mamimili.

Tumaas ang presyo ng bigas dahil kontrolado raw ng mga big time processor, miller at importer ang presyo, ayon sa Federation of Central Luzon Farmers Corporation.

Ang buffer stock o imbak na bigas ng National Food Authority (NFA) ay mababa rin para matiyak na hindi magkakaroon ng kakulangan ng bigas sa bansa, saad sa ulat ng TV Patrol.

Ayon sa NFA, wala pa silang na-monitor na malaki ang itinaas na presyo sa wholesale at piso lang din kada kilo ang itinaas sa retail. Dagdag pa nila, marami pang bigas sa merkado.

Ngunit hiniling ng NFA na payagan na silang mag-angkat ng 250 metric tons na bigas mula sa Thailand at Vietnam.

Ayon sa NFA, wala nang 15 araw ang kanilang imbak na bigas. Dahil dito, hindi sila makapaglalabas ng sapat na bigas sa palengke upang bumaba ang presyo nito sa tag-ulan kung kailan na wala nang mga bagong aning palay.

Turan ni Agriculture Sec. Manny Piñol, ngayong tapos na ang anihan ay maaari nang mag-angkat ng bigas at nasabihan na niya si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol dito.

Kamakailan, ipinatigil ni Pangulong Duterte ang pag-aangkat ng bigas dahil ayon sa kaniya, kakumpetensiya pa ito ng lokal na bigas.

Inalis ni Pangulong Duterte sa puwesto si Undesecretary Maia Chiara Halmen Reina Valdez dahil sa pagkontra nito sa NFA na pansamantalang suspindihin ang pag-angkat ng bigas dahil panahon pa ng anihan sa bansa.

Source :

ABS-CBN, Facebook