Proud na Misis pinatunayang ‘Hindi lahat ng seaman ay manloloko’

Larawan mula sa Seaman's Girlfriend Confessions Facebook pageLarawan mula sa Seaman's Girlfriend Confessions Facebook page

Hindi lahat ng marino’y manloloko. Ito ang ipinapahayag ng isang misis na ang mister ay isang marino.

Sa post na ibinahagi ng misis sa Seaman’s Girlfriend Confessions Facebook page labis itong natutuwa sa pagiging matapat ng kaniyang asawa. Salaysay ng ginang, nagkakilala lamang sila ng kaniyang mister sa pamamagitan ng dating app “wechat.” Dalawang linggo lamang daw ang naging puhunan ng kanilang pundasyon dahil kinailangan niyang sumakay ulit sa barko.

Inilarawan ng misis ang kaniyang asawang marino bilang matapat, responsable at mapagmahal na asawa. Nagsasakripisyo para sa kanilang magandang bukas kahit hindi pa nasisilayan ang limang buwang gulang na anak.

Sa Hulyo pa nakatakdang umuwi ang mister kaya naman walang mapagsidlan ng tuwa ang misis dahil muli niya itong makakapiling. Sa Agosto naman nila ipagdiriwang ang kanilang 3rd  year anniversary.

Proud na salaysay pa ng misis, hindi sumasama ang kaniyang mister sa paggala sa mga kapwa marino at nananatili raw ito sa barko. Sa halip ay inilalaan nito ang kaniyang oras sa pangangamusta sa kaniyang mag-ina.

Bihira lamang ang kanilang komunikasyon dahil walang internet sa kanilang workplace at sa port lamang daw sila nakapag-uusap. May pantawag ngunit itinatabi na lamang upang makaipon.

Aminado siyang mahirap mag-asawa ng marino ngunit aniya, dapat buo ang iyong loob.

Tiwala,  assurance, at higit sa lahat, ang Panginoon ay dapat nasa sentro ng inyong pagsasama, ayon sa misis.

Source :

Facebook