Pulis na inakusahan ng panggagahasa ng 16-anyos na dalaga, sibak sa puwesto

Image capture from video by ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Sinibak na sa tungkulin ang isang pulis sa Iligan City na inakusahan ng panggahasa ng isang 16-anyos na dalaga noong nakaraang buwan.

Tanggal sa pagka-pulis si PO2 Berlyn Bigwas, isa umanong intelligence officer, matapos kasuhan ng forcible abduction with rape ng isang menor de edad na biktima.

Kumalat sa social media ang kuwento ng biktimang si ‘Angel’ na ibinahagi ng kaniyang kaibigan sa Facebook.

Ayon sa post ng kaibigan ni Angel, nalasing umano ang biktima, na isang singer, matapos uminom noong ika-12 ng Abril sa may Paseo Santiago kung saan katatapos lamang ng kaniyang gig.

Nagkataon namang nakaduty sa lugar si Po2 Bigwas at inalok nito ang dalaga na ihahatid pauwi. Subalit sa halip na dalhin sa bahay ng biktima, dinala umano ang babae sa isang lugar na hindi kabisado ng biktima at doon na ito pinagsamantalahan.

Subalit ayon naman kay Bigwas, kinuha lamang niya ang dalaga ‘for safekeeping’ umano.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong panggagahasa at kasong administratibo na rin.