Pulmologist, hinimok ang pamahalaan na itaas sa 21 ang legal na edad sa paninigarilyo

Image from Moose Radio

Hinimok ng isang pulmologist mula sa ManilaMed (Medical Center Manila) ang pamahalaan na itaas sa 21 mula sa 18 ang legal na edad sa paninigarilyo.

Paliwanag ni Dr. Gian Carlo Arandia, may mga pag-aaral umanong ginawa na nagsasabing mahirap itigil ang bisyo ng paninigarilyo kung sisimulan ito ng bata pa. Mas madali raw ihinto kung mas matanda na nagsimula sa paghithit ng sigarilyo.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, sa ginawa umanong pag-aaral ng Campaign for Tobacco-Free Kids ay napag-alamang nababawasan ang panganib na maging bisyo ang paninigarilyo hanggang sa pagtanda kapag may edad na nagsimulang manigarilyo at mas mataas daw ang tsansa na madali itong itigil sakaling maging regular smoker.

Sa kasalukuyan, sa ilalim ng Republic Act No. 9211 o ang tinatawag na “Tobacco Regulation Act of 2003” tanging ang mga may edad na mas mababa sa 18 lang ang pinagbabawalang bumili, magbenta at gumamit ng sigarilyo.