Pumanaw na ang fish vendor na nasabugan ng IED ng NPA, mga rebelde ‘di raw mapapatawad ng pamilya

Image from The North East Today

Sumakabilang-buhay na ang sibilyan na nasabugan ng improvised explosive device (IED) na pinasabog ng mga rebeldeng New people’s Army (NPA) sa planta ng Lapanday Food Corporation sa Barangay Mandug, sa Maguindanao.

Ayon sa Bombo Radyo, pumanaw na si Larry Timbal Buenafe, isang fish vendor, matapos ang limang araw na pakikipaglaban upang mabuhay.  Bago pa man namatay ang biktima, sinabi na ni Dr. Klen Joe Rubillos ng Southern Philippines Medical Center na maliit ang tsansa nitong mabuhay dahil sa tinamong sugat sa utak na diumano ay umabot hanggang sa batok nito.

Hindi raw mapapatawad ng pamilya ng biktima ang mga NPA dahil sa nangyari sa kaanak na nagbebenta lang ng isda nang pasabugan ng mga rebelde ang Task Force Davao na rumesponde sa sunog na ginawa ng mga pulahan. Nagkataong nasa lugar si Buenafe kaya tinamaan siya ng pampasabog.

Nauna nang inako ng National Democratic Front of the Philippines responsibilidad sa pagkakadamay ni Buenafe sa pag-atake ng NPA at nagsabing dapat bigyan ng bayad-pinsala ang biktima.