Reporter ng GMA News, nabiktima ng basag-kotse gang

Image from Luisito Santos' Twitter accountImage from Luisito Santos' Twitter account

Isang mamamahayag mula sa GMA News ang nabiktima ng basag-kotse gang sa Quezon City Sabado ng gabi, ika-13 ng Mayo.

Sa flash report ng DZBB Super Radyo, kinilala ang biktima na si Steve Dailisan, GMA News reporter.

Sa pahayag ni Dailisan, ipinarada raw niya ang kanyang sasakyang Mitsubishi Montero sa tapat ng Dr. Jesus C. Delgado Memorial Hospital sa Kamuning Road sa Diliman, Quezon City dakong alas-nuwebe ng gabi dahil mayroon siyang dadalawin doon.

Wala pa umanong kalahating oras ang inilalagi ni Dailisan sa loob ng ospital nang tawagin siya ng guwardiya upang ipagbigay alam na basag na ang salamin ng kanyang sasakyan. May isang saksi na nagsabing dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang umatake sa Montero ng mamamahayag.

Pera, bag na may lamang laptop, gym bag, mga gadgets ang kabilang sa mga natangay ng basag-kotse gang mula sa loob ng sasakyan ng biktima. Tinatayang aabot sa P200,000 ang halaga ng lahat na nakulimbat ng mga suspek.

Nagsasagawa naman ng isang operasyon ang pulisya upang madakip ang mga salarin.