Retired U.S. navy, arestado matapos mag-check in sa hotel kasama ang magkapatid na menor de edad

Image from DWIZ

Isang Amerikano na napag-alamang retired U.S. Navy ang naaresto noong Miyerkules ng gabi, ika-17 ng Mayo sa bayan ng Sta. Fe sa Bantayan Island sa Cebu matapos mahuling may kasamang magkapatid na babae na kapwa menor de edad pa nang mag-check in sa isang hotel doon.

Ayon sa ulat ng Inquirer, kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Jason Stone mula sa Oregon. Kasalukuyan itong nakadetine sa Sta. Fe police station habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa laban sa kanya.

Ang magkapatid – edad 14 at 16 – ay isinailalim naman sa kustodiya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development.

Kuwento ng isang staff ng hotel sa isang beach resort sa Sta. Fe, nagduda siya nang makitang kasama ng suspek ang dalawang menor de edad na magkapatid kaya agad siyang tumawag sa pulisya.

Agad na rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni Senior Police Officer 2 Sheila Illustrisimo ng Women and Children Protection Desk ng Santa Fe Police Station at inaresto si Stone mapatapos makumpirma na hindi nito kamag-anak ang magkapatid.