Richard Gutierrez, Magiging Bahagi Ng Fantaseryeng ‘La Luna Sangre’

imahe mula sa Instagramimahe mula sa Instagram

Matunog ang balitang magkakaroon ng espesyal na partisipasyon ang aktor na si Richard Gutierrez sa upcoming fantaseryeng La Luna Sangre ng ABS-CBN Kapamilya Network na pagbibidahan nina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, John Lloyd Cruz at Angel Locsin.

Batay sa kolum ni Jojo Gabinete ng Abante noong Mayo 12, 2107, posibleng maipasok si Gutierrez sa teleseryeng ito kasama ang dating katambal na si Angel Locsin.

“Narinig namin ang balita na may special participation si Richard Gutierrez sa bagong programa ng ABS-CBN na mapapanood sa June 2017,” pahayag ni Gabinete.

Ang naturang fantaserye ay karugtong ng dalawang naunang fantaserye ni Locsin: ang Lobo (2008) katambal ni Piolo Pascual at Imortal (2010-2011) kasama si John Lloyd Cruz.

Kamakailan lamang ay napabalitang may reunion movie sina Gutierrez at Locsin makalipas ang 10 taon, kasama ang aktres na si Angelica Panganiban sa ilalim ng Star Cinema.

Maraming haka-haka ang lumabas na posibleng maging “kapamilya” na rin si Gutierrez.

Si Gutierrez ay nagsimula sa GMA Kapuso Network noong 2001 sa youth-oriented show na Click. Dito niya unang nakatambal si Locsin.

Matapos ang teleseryeng Ikaw Lang Ang Mamahalin (2001-2002) at Habang Kapiling Ka (2002-2003), sumabak naman si Gutierrez sa paggawa ng kauna-unahang telefantasya ng Kapuso Network, ang Mulawin (2004) na labis na nagpaangat sa kanyang karera.

Nasundan pa ito ng iba’t ibang telefantasya tulad ng Sugo (2005), Captain Barbell (2006, 2011), Lupin (2007), Kamandag (2007) at Codename: Asero (2008).

Nakagawa pa siya ng mga teledrama gaya ng Full House (2009), Makapiling Kang Muli (2012), at Love and Lies (2013).

Nang matapos ang kanyang kontrata sa Kapuso Network, naimbitahan siya sa ilang mga programa ng Kapamilya Network tulad ng Kapamilya: Deal Or No Deal at It’s Showtime. Matatandaang hindi nag-renew ng kontrata si Gutierrez dahil sa isyu ni Sarah Lahbati laban sa Kapuso Network, at matapos ang ilang buwang pananahimik dahil sa pagbubuntis nito.

Ang huling proyekto ni Gutierrez ay Ang Panday na inere sa  TV5 Kapatid Network.