Robredo, Nagbigay ng Inspirasyon sa Graduates ng First Asia Institute

Image via Facebook page of Leni RobredoImage via Facebook page of Leni Robredo

“Take the leap of faith when necessary.”

Ito ang inspirasyon na ipinabatid ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa mga nasipagtapos ng kolehiyo sa First Asia Institute of Technology and Humanities sa Tanauan City, Batangas, nitong Sabado.

Iginiit ni Robredo sa mga nagsipagtapos na magkaroon ng paniniwala at pagtitiwala sa sarili sa gitna ng kagipitan. Ngunit, paliwanag ni Robredo na dapat din tanungin lagi ang sarili kung tama ba ang gagawin.

Sa ika-13th commencement exercises ng nasabing paaralan, inihalimbawa ni Robredo ang kanyang mga karanasan bago, habang at pagkatapos niya sa kolehiyo. Bago magkolehiyo si Robredo, sigurado siya na gusto niya maging abogado at sundan ang yapak ng kanyang ama na isang judge sa kanilang bayan, saad sa ulat ng ABS-CBN.

Ngunit lahat ay nagbago nang mag-aral si Robredo sa University of the Philippines (UP) at kumuha ng Economics noong panahon ng batas militar. Ani Robredo, bago siya pumunta sa UP, umiwas siya sa lahat ng political discussions.

Ngunit, habang nasa kolehiyo na si Robredo napagtanto niya na kailangan niyang makilahok sa usaping politika dahil sa pang-aabuso, pandarambong at lumalalang kahirapan noong Marcos dictatorship.

Ani Robredo: “That’s when I realized I needed to get involved and fight the oppressive regime.”

Nang matapos ang EDSA revolution at napatalsik ang pamunuan ni Marcos, sinabi ni Robredo na hindi siya maaaring magtuloy sa law school tulad ng kaniyang plano.

Ginusto ni Robredo na dumiretso sa public service upang matulungan ang mga Pilipino na magkaroon ng mas maayos na buhay.

Kahit natatakot si Robredo sa sasabihin ng kanyang ama, nagtiwala siya sa kanyang sarili at nanindigan. At ito rin ang hinihingi ni Robredo sa mga nagsipagtapos.

Source :

ABS-CBN, Facebook