Senador Tito Sotto, May Panukalang Batas Para Sa Mga Solo Parent

Public Domain image

Matapos ang kontrobersyal na pahayag na “na-ano lang” kaugnay kay Department of Social Welfare and Development o DSWD Secretary Judy Taguiwalo na lumikha ng isyu at negatibong kritisismo, binabalak ni Senator Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na amyendahan ang isang batas para sa mga solo parent.

Tila bumabawi nga ang senador at sinabing “blessing in disguise” ang mga nangyari matapos niyang makipagpulong sa mga kasapi ng Federation of Solo Parents in Luzvimin o FSPL sa kanyang tanggapan noong Martes, May 9, 2017, kaakibat ang pangakong isusulong at aamyendahan ang Republic Act (RA) 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000.

Bagama’t humingi na ng personal na kapatawaran kay Taguiwalo at sa lahat ng nasaling ng kanyang mga tinuran, patuloy pa ring pinuputakti ng batikos ang senador lalo na sa social media.

“It’s a blessing in disguise that the issue has been blown out of proportion because there’s more attention to it. We can rally in Congress, we can rally in the Senate and seriously look at the amendments they are proposing,” paliwanag ng senador matapos ang pagpupulong sa mga kasapi ng FSPL.

Ayon naman sa pangulo ng FSPL na si Carina Javier, noong una ay nais nilang isulong ang reklamo laban kay Sotto, subalit dahil humingi na ito ng dispensa kay Taguiwalo at sa ibang mga solo parent na nainsulto sa kanyang pahayag, hinimok niya ang mga kasamahang tanggapin at patawarin na rin ang senador.

“Who are we to blow it out of proportion? We want to move forward,” ani Javier na umaapela rin sa publiko na tantanan na si Sotto at maging ang pamilya nito.

“This is a good opportunity, right? The door of opportunity used to be so narrow and we found it hard to enter. We have been campaigning for the law to be amended for nearly 17 years now,” dagdag ni Javier.

Ayon kay Sotto, posibleng maisabatas ito sa Disyembre bago matapos ang 2017.