Stephen Hawking: Dapat magkolonisa ng ibang planeta ang tao sa loob ng 100 years, kung hindi ay malilipol

Public Domain image

Kailangan na raw mag-colonize ng ibang planeta ang mga tao sa loob ng isandaang taon dahil kung hindi ay haharap tayo sa banta ng pagkalipol, sabi ng respetadong physicist na si Stephen Hawking.

Aniya, ang daigdig ay nagiging peligroso na dahil sa climate change, mga epidemiya, paglobo ng populasyon at ang banta ng pagtama ng mga asteroids.

Ang prediksiyon ay ginawa ni Hawking sa bagong dokyumentaryo na pinamagatang Expedition New Earth na nakatakdang ilabas ngayong tag-araw bilang bahagi ng Tomorrow’s World science season ng BBC.

Sa nasabing serye, sinabi ng BBC na kinatulong ni Hawking ang engineering expert na si Professor Danielle George at ang dati niyang estudyante na si Christophe Gallard upang alamin kung paano aabutin ng tao ang mga bituin at makalipat sa ibat’ ibang planeta.

Ayon sa Newsweek, ilang ulit na ring nanawagan si Hawking na kolonisahin ng tao ang buwan at ang planetang Mars upang gawin ang mga ito na paniguro laban sa mga sakunang maaaring gumunaw ng daigdig. Maaari daw gawing starting point ang Moon para sa paglalakbay patungo sa ibang planeta.

Fact-checked against the following source(s) :

Newsweek, The Sun, CNBC