Sugatan sa karambola ng sasakyan sa Tondo, namatay dahil hindi raw agad inasikaso sa ospital

Image from DNA

Isang tricycle driver na malubhang nasugatan matapos ang nangyaring karambola ng mga sasakyan Biyernes ng gabi, ika-12 ng Mayo, sa Tondo, Maynila ang binawian ng buhay dahil hindi raw agad inasikaso sa ospital.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sinabi umano ng pamilya ng biktima na kinilalang si Roy Gomez, 29-taong gulang, ay binawian ng buhay dahil hindi agad inasikaso at pinaghintay pa kahit na malubha ang tinamo nitong sugat sa ulo.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Ospital ng Tondo kung saan dinala si Gomez.

Ang sakuna ay nangyari sa panulukan ng Solis Street at Jose Abad Santos Avenue sa Barangay 103 sa Tondo, Maynila nang mawalan ng preno ang Suzuki Vitara na minamaneho ni Leon Suanco at sumalpok sa dalawang tricycle.

Apat pa ang sugatan sa insidente, kabilang ang isang bata.

Posibleng maharap si Suanco sa mga kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries.

 

Source :

ABS-CBN, Inquirer