SUV na ninakaw 2 taon ang nakararaan, natagpuan sa parking lot ng NAIA

Image from MIAA via Inquirer

MAYNILA, Pilipinas  – Makalipas ang halos dalawang taon, tuwang-tuwa ang may-ari ng sasakyan na ninakaw noon matapos itong matagpuan sa parking lot ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 kamakailan.

Unang napansin ang kulay gray na Hyundai Tucson na abandonado sa isang slot sa NAIA 2 parking lot nitong Marso.

Sa pagsasaliksik ng Manila International Airport Authority (MIAA), pag-aari ito dati ng isang Darren John Williams na ibinenta naman sa isang Mario Manacap, may-ari ng kumpanyang buy-and-sell na Carland Car Exchange.

Noong Hunyo 11, 2015, isang babaing Taiwanese ang nakausap ni Manacap para i-test drive ang SUV. Matapos magbigay ng downpayment na P10,000, pinasamahan ni Manacap sa kaniyang dalawang staff ang banyaga.

Subalit inutusan umano ng Taiwanese ang staff na bumili ng pagkain matapos bigyan ng P1,000. Ito na ang huling sandali na nakita ang sasakyan. Kaagad ini-report sa pulisya ni Manacap ang nangyari.

Lumalabas sa record ng NAIA na pumasok sa parking lot ang sasakyan noong Marso 1 at nailabas lamang ito ni Manacap noong Marso 24.

Dahil dito kinailangang magbayad ni Manacap ng P7,200 parking fee na kaagad naman niyang ibinigay para lang maiuwi ang SUV.