Tinaguriang ‘World’s Heaviest Woman’, itutuloy ang treatment sa Abu Dhabi

Imahe mula sa emol.com

Abu Dhabi, UAE  —   Isang Egyptian na tinaguriang ‘World’s Heaviest Woman’ ang ngayo’y nasa isang pagamutan sa Abu Dhabi, matapos ang isang drastic weight-loss operation sa India.

Si Eman Ahmed Abd El Aty ay may timbang na 500 kilograms (1,100 pounds) bago ito operahan sa Mumbai, India noong Marso ng taong ito.

Ayon sa isang manggagamot na tumutok sa kondisyon ni Abd El Aty: “She suffers from a range of health problems including elephantiasis, a condition that causes the limbs and other body parts to swell.”

Dahil dito, sumailalim umano sa isang ‘special liquid diet’ si Abd El Aty upang mabawasan ang kanyang timbang. Nagsagawa ang mga doktor ng tinatawag na ‘bariatic surgery’ o stomach-shrinking bypass procedure na pangkaraniwan sa bansang India.

Dumating sa India si Abd El Aty noong Pebrero at sa loob lamang ng tatlong buwan ay bumaba umano ang timbang nito sa 323 kilograms.

Upang mas mapabuti ang kanyang lagay, nagdesisyon ang pamilya ni Abd El Aty na dalhin ito sa Abu Dhabi upang doon ipagpatuloy ang treatment. Dakong alas-9:30 ng gabi nitong Huwebes nang dumating ito sa nasabing bansa.

Sasailalim siya sa isang long-term physical at psychological rehabilitation sa Burjeel Hospital.

“We have arranged for a hydraulic stretcher from Italy for Eman’s journey and she will have doctors, paramedics, and nurses with her during the journey,” pahayag ni Sanet Meyer, director ng Medevac sa VPS Burjeel hospital.

Ayon naman sa report ng UAE newspaper, hindi diumano sinang-ayunan ng kapatid ni Abd El Aty na si Shaima kung paano isinagawa ng Indian medical team ang treatment sa kanyang kapatid. Aniya: “I asked for help in the Emirates after noticing the lack of progress. So we decided to go here in Abu Dhabi.”

Sinabi rin ng pamilya ni Abd El Aty sa mga doktor na bata pa lang ito nang ma-diagnose ang sakit niya na Elephantiasis; dahilan upang mahirapan siyang kumilos nang normal.

Na-stroke na rin siya at dahil sa kanyang sakit, nagkaroon din siya ng diabetes, high-blood pressure, hypertension at sleep deprivation. Hindi rin siya makapagsalita nang maayos at siya’y partially paralyzed.

Sa ngayon, nagdesisyon ang pamilya ni Abd El Aty na sa isang ospital muna sa Abu Dhabi ito mamalagi.