Transport Franchise Holders, Malapit nang Makapagbayad ng Multa sa LTFRB Gamit ang ATM

Public domainPublic domain

Malapit nang makapagbayad ang sinumang transport franchise holders na may multa sa Land Transportation Franchising and Re­gulatory Board (LTFRB) gamit ang Automatic Teller Machine (ATM).

Nitong Lunes, napagkasunduan ng LTFRB at Land Bank of the Philippines ang isang “cashless payment system” at “inclusive banking center” upang mapabilis ang pagbabayad ng penalties at maiwasan ang korapsyon, saad sa ulat ng Abante.

Ang sinumang magbabayad ng kanilang multa ay mangangailangan ng isang ATM mula sa Land Bank at kailangan itong iproseso sa piling bank center.

Ani Land Bank president Alex Buenaventura, sa pamamagitan ng cashless payment system ay maiwasan ang “fixers” sa LTFRB na nangangako na mapabibilis ang pag-aayos sa dokumento kapalit ng pera.

Sa susunod na tatlong buwan, susubukan ng LTFRB at Land Bank ang cashless payment system sa mismong tanggapan ng LTFRB bago ito ipatutupad sa iba pang mga lalawigan, ayon sa ulat ng Concept News Central.

Dagdag naman ni Buenaventura, plano din nila ang kaparehong payment system tulad ng Land Transportation Office (LTO), Government Service Insurance System (GSIS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).