Trillanes dismayado sa pagbasura sa impeachment laban kay Pangulong Duterte

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Hindi itinago ni Senador Antonio Trillanes IV ang kaniyang pagkadismaya sa ginawang pagbasura ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng impeachment laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ganunpaman, nangako ang senador na maghahanap sila ng ibang paraan para mapanagot umano ang Pangulo sa kaniyang mga ‘kasalanan’.

“Mapupunta na lang tayo sa ibang modes kung saan lalabas itong katotohanan na ito, or sa mga ganoon paraan eh hindi na nila makokontrol kung anuman ang outcome,” ani Trillanes sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayaw namang banggitin ni Trillanes kung ano ang sinasabi nitong iba pang paraan para mapatalsik si Duterte maliban sa reklamong isinampa ng isang abogado sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

“Maraming paraan. Abangan na lang nila, abangan na lang nila kung anuman ‘yun,” pakli ng senador.

Pinuna rin ni Trillanes ang kakulangan umano ng pag-intindi ng ilang congressman, lalo na si House Majority leader Rodolfo Fariñas sa usaping kung ano ang pagkakaiba ng testigo at ‘complainant’.

“Yung pinagmamasdan ko nga si Fariñas, akala ko ba magaling na abogado ito pero hindi niya naiintindihaan ‘yung difference ng testigo at complainants,” wika ni Trillanes.

Sa kaniyang pagkakaalam umano, kahit hindi siya isang abogado, iba ang personal knowledge ng complainant sa personal knowledge ng testigo.