[Video] Negosyante, patay nang pagbabarilin habang nagjo-jogging

Larawan mula sa video ng GMA news via You Tube

Hustisya ang panawagan ng pamilya ng biktima.

Nasawi ang isang 43-anyos na lalaki habang ito’y nagjo-jogging matapos pagbabarilin ng isang lalaking lulan ng motorsiklo sa Pagbilao, Quezon.

Ayon sa ulat ng GMA, ang biktima ay kinilalang si Arnel Lagrama Tinamisan, isang negosyante, na nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan.

Mapapanood sa CCTV footage na naglalakad si Tinamisan sa  kalsada at papauwi na umano matapos  mag-jogging.

Ilang sandali pa’y  dumating ang salarin na lulan ng motorsiklong walang plaka, nakasuot ng helmet, at sumunod sa biktima. Gamit ng suspek ang baril na may  “silencer” doo’y pinaputukan ang biktima sa likod. Makikitang nakatakbo pa ang biktima matapos mabaril.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na walang kaugnayan sa iligal na droga ang pagpatay kay Tinamisan.

Itong si Mr Tinamisan ay dati nang nakulong dito sa kasong arson. ‘Yung kapitbahay niya, may kaaway siya,” ayon kay P/C Insp. Rizal Merene, hepe ng Pagbilao-Quezon-PNP.

Lumalabas din sa pagsisiyasat na maaaring may kaugnayan ang krimen sa iringan ng biktima at ng kanyang kapitbahay ngunit wala pa raw matibay na ebidensiya na hawak ang mga awtoridad.

Dudulog umano ang pamilya ng biktima sa National Bureau of Investigation upang mabigyan ng katarungan si Tinamisan.

Panoorin ang video mula sa GMA:

 

 

Source :

You Tube, GMA