[Video] Posibilidad sa Pagiging State Witness ni Napoles, Kinukuwestiyon

Larawan mula sa ABS-CBN News via Facebook page

“Posible nga bang maging state witness si Janet Lim Napoles?”

Ito ang tanong ng marami matapos ma-acquit sa kasong serious illegal detention si Napoles.

Nitong Huwebes, nakipagpulong si Napoles kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.

Ayon kay Aguirre, bukas siya sa posibilidad na maging state witness si Napoles.

Paliwanag ni Aguirre, para sa kaniya maituturing na “most guilty” ang public officials na nakasabwat ni Napoles na nag-udyok at nagturo sa kaniya kung paano gagalawin ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Sa ilalim ng rules of court, dalawa sa mga kondisyon upang maging state witness ay dapat kailangan sa kaso ang testimonya ng testigo at hindi siya dapat ang most guilty.

Dati nang lumutang ang posibilidad na gawing state witness si Napoles pero ayon sa kaniyang abogado ay hindi natuloy ang pag-uusap dahil tatamaan umano ang mga kaalyado ng administrasyong Aquino, saad sa ulat ng Bandila.

Nauna nang nasabi ni Senador Leila De Lima na hindi nila kinuhang state witness si Napoles dahil siya ang most guilty sa mga akusado.

Ngunit balak ni Aguirre na muling buksan ang imbestigasyon sa PDAF at sa pagkakataong ito ay wala umano silang sasantuhin.

May pag-aalinlangan naman si Dean Fr. Ranhilio Aquino sa pagkonsidera na maging state witness si Napoles.

Paliwanag ni Fr. Aquino: “Ang ibig sabihin, kung walang testimonya si Napoles ay mahina ang kaso nila. That’s the basic inconsistency for me.”

Kinuwestiyon din ni Aquino kung bakit sa DOJ dumulog si Napoles at hindi sa Ombudsman. Dagdag pa niya, sakaling maging state witness si Napoles ay maaari siyang makasuhan ng perjury at false testimony dahil kokontrahin ni Napoles ang naging pahayag niya sa Senado.

Samantala, nagbigay si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ng dalawang buwan na taning sa DOJ upang tapusin ang imbestigasyon; kung hindi ay muli itong iimbestigahan sa Senado.

Ayon pa kay Escudero, kahit na maging state witness si Napoles ay mananatili pa rin ito sa kulungan bilang co-accused sa kaso ng plunder at graft ninadating senador Ramon Bong Revilla Jr., Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile sa Sandiganbayan, ayon sa ulat ng Abante.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito: