[Video] Trike Driver na Napagtapos ang 5 anak, Niregaluhan ng Kotse ng Kanyang mga Anak; Kinilala sa ‘It’s Showtime’

Image capture of video by ABS-CBN News via YouTube account

“Sa loob ng 30 taon mula alas-singko ng umaga hanggang hating gabi ay tuloy-tuloy siya sa pagtratrabaho.”

Matinding determinasyon at sipag sa trabaho ang ginawa ng isang 59-anyos na tricycle driver upang mapagtagumpayan ang pagpapatapos sa kanyang limang anak sa kolehiyo. At bilang regalo, binigyan siya ng mga ito ng isang kotse at ginawaran din ng pagkilala bilang isang ulirang ama at manggagawa sa “It’s Showtime” kamakailan.

Sa pamamagitan ng pagtra-tricycle ay naitaguyod ni Mang Romy Garcia ang kaniyang pamilya. Aniya, target niyang kumita ng P1,000 kada araw upang hindi mahinto sa pag-aaral ang kaniyang mga anak.

Ani Mang Romy: “Talagang pinagsikapan ko ‘yon [education] dahil ‘yon lang ang talagang maiiwan ko sa mga anak ko, ‘yong pag-aaral nila. ‘Yan ang hindi magagalaw ng kahit sino. Dala nila ‘yan kahit saan sila mapunta.”

Ang panganay niyang anak ay nakatapos ng Electronics and Communications Engineer (ECE) at ang bunso naman niya ay isang IT professional. Habang ang tatlo pa niyang mga anak ay nakapagtapos ng Business Management, Computer Science at Education.

Sobrang ipinagmamalaki ng kaniyang mga anak si Mang Romy. Ayon sa kaniyang panganay na anak, kung paano lumaban ang kanyang ama ay ganoon din siya lalaban. Dagdag pa niya na ang kanyang ama ang kaniyang inspirasyon sa lahat ng bagay.

Bukod sa titulado ang mga anak ni Mang Romy ay napaayos din niya ang kanilang bahay sa tulong ng kanyang mga anak. Sa ngayon, mayroon na itong apat na palapag.

Hindi rin naging madali ang buhay nina Mang Romy. Ayon sa kaniyang misis, hinamon sila ng buhay nang nagkasakit si Mang Romy at nang sunod-sunod magkasakit ang kanilang mga anak dahil sa dengue.

Payo ng misis ni Mang Romy, gabayan, mahalin at maging matapat sa asawa. Dagdag pa niya, sa kahit anong bagay ay dapat magkasama ang mag-asawa.

Samantala, bukod sa pagkilala na ibinigay ng It’s Showtime, binigyan din si Mang Romy at ang kaniyang pamilya ng mga regalo.

Si Mang Romy ay tumanggap ng isang negosyo package sa O’noodle food cart mula sa Pinoy Pao. Ang misis naman niya ay nakatanggap ng kitchen ware mula sa Masflex at O Shopping, at ang buo nilang pamilya ay pinagkalooban ng isang vacation treat sa Hidden Sanctuary Resort sa Marilao Bulacan.

“Ang masasabi ko lang sa lahat ng magulang na sana lagi ninyong gabayan ang inyong mga anak dahil yaman natin ‘yan, at tulad ko na tricycle driver, huwag ninyong ikahiya, maging proud kayo dahil diyan kung bibigyan ninyo ng panahon ang pagtra-tricycle makapagpatapos po kayo ng mga anak ninyo,” payo ni Mang Romy.

Tunghayan ang iba pang detalye sa buhay ni Mang Romy sa videos na ito:

iclick ang imahe upang mapanood ang video ng It's Showtime!
I-click ang imahe upang mapanood ang video ng It’s Showtime!

 

Source :

ABS-CBN, You Tube