[Viral] Mayor Richard Gomez personal na inabot ang P100K sa isang centenarian na lola

Image capture from video by Richard Gomez via Instagram

MAYNILA, Pilipinas – Viral ngayon sa social media ang video kung saan makikita si Ormoc Mayor Richard ‘Goma’ Gomez na personal na inaabot sa isang lola ang halagang P100,000.

Ang nasabing halaga ay bahagi ng programa ng gobyerno na nagbibigay sa sinumang Filipino na umabot sa edad 100 anyos pataas. Ito ay base sa Republic Act (R.A. 10868) o mas kilala sa tawag na Centenarians Act of 2016 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.

Sa nasabing video na ibinahagi ng dating matinee idol at ngayon ay alkalde ng Ormoc City sa kaniyang Instagram, makikitang ipinapaliwanag ni Goma na ang naturang halaga ay nagmula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sinadya niyang personal na ihatid sa masuwerteng lola.

Maririnig rin na nagpakilala muna si Mayor Gomez sa matanda na siya ang alkalde ng lungsod bago niya ipinaliwanag ang natanggap na halaga

Pinayuhan din ng alkalde si Lola na maaaring ilagak ang pera sa City Treasurer at kubrahin na lamang ito paunti-unti kada linggo para siguradong hindi ito kaagad mauubos.

Hati naman ang opinyon ng mga netizen sa ginawa ni Mayor Richard Gomez.

Mayroong nagtatanong kung kailangan pa daw ba talagang kunan ng video ang pag-abot ng pera at ibahagi sa social media.

Ganunpaman, marami rin ang natuwa para sa matanda lalo pa’t mukhang hikahos din naman talaga ang pamilya nito. Pinuri din ng marami si Gomez dahil sa ginawa nito.

Panoorin: