‘Wag  naman sa damuhan”: Sen Angara, Nananawagan ng Disenteng Tulugan para sa mga Senate Janitor

File photoFile photo

Nananawagan si Senador Sonny Angara sa kaniyang mga kapwa Senador ng disenteng matutulugan para sa mga janitor ng Senado na napilitang matulog sa damuhan, sa labas ng Senate building.

Sa naging privilege speech ni Angara nitong Lunes, Mayo 8, isinalaysay nito ang paghingi ng tulong ng isang janitor, si Wilfredo “Wawi” Maliban, sa kaniyang opisina, na diumano ay humihiling ng pambili ng mat upang mas komportable raw ang pagtulog nito sa labas ng gusali ng Senado.

Simula pa noong Marso nang sila’y matulog sa labas ng Senate building nang maipatupad ang bagong polisiya hinggil sa pagbabawal sa mga janitor na mag-overnight sa loob ng gusali; ayon sa ulat ng Politiko.

Nilikha ang polisiya bilang tugon sa mga serye ng nakawan sa loob mismo ng Senate building.

Bagama’t  sang-ayon si Angara sa bagong polisiya, aniya huwag naman daw matulog ang mga janitor sa damuhan.

Nararapat lamang na pagkatapos ng isang araw ng marangal na trabaho, matinong tulugan ang nag-aantay sa kanila. Pero imbis na mahimbing at nakakumot ang kanilang paghiga, hamog at alikabok ang bumabalot sa mga stay-in sa gabi,” ani Angara.

Habang pinagdedebatehan natin sa Senado ang mga malalaking isyu ng bansa, hindi man lang natin natutulungan ang mga mismong nagtatrabaho sa ating opisina,” dagdag pa nito.

Wika pa ni Angara, nasa  P9,000 hanggang P10,000 ang average na kita ng mga janitor kaya nauunawaan nito ang ginagawa nilang pagtitipid sa pamasahe.

Kapag umuwi pa sila, ilang oras lang sila makakatulog bago nila kailangan gumising muli at mag-biyahe pabalik sa Senado.  Walang sinuman siguro ang kakayanin ito,” ani Angara.

Iginiit pa ng Senador na patulugin ang mga janitors kahit man lamang sa basketball court na nasa may parking area ng Senado  o kaya’y  sa loob ng Public Assistance Center.

Wala pang kongkretong solusyon ang liderato ng Senado hinggil sa isyu ng mga janitors.