Zika virus susubukang gamitin bilang panlaban sa brain cancer

Image fromOakland County

Ilang mga siyentista sa Britanya ang nagpaplanong gamitin ang Zika virus upang subukang patayin ang mga brain tumor cells sa mga eksperimentong inaasahang magbibigay-daan sa mga bagong pamamaraan ng paglaban sa isang agresibong uri ng cancer.

Pagtutuunan ng pag-aaral ng mga siyentista ang glioblastoma’ ang pinakapangkaraniwang uri ng brain cancer – na may halos 5 porsiyento lang na 5-year survival rate.

Ang Zika virus ay nagdudulot sa mga sanggol – na nasa sinapupunan pa – ng matinding kapansanan dahil inaatake nito ang nabubuo pa lang na stem cells sa utak. Ngunit sa mga adults, na ganap nang buo ang utak, nagdudulot lang ito ng katamtamang mala-trangkasong sintomas.

Sinabi sa ulat ng Reuters na sa glioblastoma, ang cancer cells ay kahalintulad umano ng mga selula sa nabubuo pa lamang na utak na nagpapahiwatig na maaaring gamitin ang Zika virus na targetin ang mga iyon habang iiwasan naman ang mga normal adult brain tissue.

Naniniwala ang mga siyentista na ang mosquito-borne Zika virus ang susi sa ikalulunas ng isa sa pinakamahirap lunasang uri ng cancer.

 

Source :

Reuters, Newsweek, SBS