13 empleyado ng LTO sinibak sa puwesto dahil sa korapsiyon

File photoFile photo

Sa kabila ng patuloy na digmaan sa Marawi City, hindi naman nakaliligtaan ng gobyerno ang kaniyang laban kontra korapsiyon.

Sinibak sa puwesto ang nasa 13 mga empleyado ng Land Transportation Office (LTO) Region 12 ng bagong regional director magmula nang umupo ito sa puwesto; ito ay ayon kay  LTO 12 Regional Director Macario Gonzaga.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, sinabi ni Gonzaga, ang pagsipa sa puwesto ng mga empleyado ng LTO ay dahil sa ilang reklamo ng pangongotong, anomalya at korapsyon na kanila nang iniimbestigahan.

Dahil sa pagkakasibak ng mga empleyado sa LTO, pitong bagong empleyado ang kanilang na-hire at plano pang dagdagan ito.

Paalala naman ni Gonzaga sa publiko, mag-ingat sa mga hindi awtorisadong law enforcers o nagpapanggap na LTO employee upang magkapera.

Wika pa nito,  bawal ang magbayad ng direkta sa law enforcer kung mahuhuli sa daan.

Kinakailangan umano na may maipakitang valid ID ang huhuling enforcer at may ibibigay na Temporary Operator’s Permit (TOP) para sa paglabag.

Samantala sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong paglabag sa Sections 3(e) at 3(g) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Sandiganbayan ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Unit XI sa Davao City.

Kabilang sa mga kinasuhan  sina Constancio Maghanoy, Jr. (Regional Executive Director); Bids and Awards Committee (BAC) officials Isagani Basco (Chairman), Alma Mahinay (vice-chairperson), Alfredo Cayabyab, Rafael Mercado, Larry Pineda, Herna Palma, Rosalinda Mediano, Melani Provido, Isabelita Buduan, Lelisa Lascuña at Marie Ann Constantino.