21 anyos na Bikolanong sundalo, pinakabatang namatay sa pinakahuling bakbakan sa Marawi

Images from Sheryl Benitez Belen/ Cindy Blue's Facebook posts

MAYNILA, Pilipinas –  Mahigit isang dosenang sundalo na naman ang nagbuwis ng buhay sa pinakahuling bakbakan sa Marawi City nitong Biyernes, ika-9 ng Hunyo.

Kabilang sa mga nasawi si Private Bernie John Lunas, 21-anyos at ang pinakabatang sundalo umano sa grupo ng 13 Marines na napatay sa pakikipaglaban sa Maute Group.

Ayon sa Bombo Radyo, si Lunas ay anak ng isang kapitan ng barangay sa sa Bacacay, Albay at miyembro ng Marine Battalion Landing Team 7 na naka-engkuwentro ng mahigit 40 Maute.

Kuwento ng ama ni John na si Juan Lunas, patapos na sana umano ng schooling ang kaniyang anak nang i-pull out ito at ipadala sa Marawi noong Hunyo 4.

Naikuwento pa umano ng batang sundalo sa huling pag-uusap nila ng kaniyang nanay na puro tubig-ulan at kape lamang ang kanilang iniinom sa maghapon. Ganunpaman, ligtas naman daw sila sa lugar kaya walang dapat ipag-alala ang kaniyang mga magulang.

Dadalhin sa Fort Bonifacio ang bangkay ni Lunas at lilipad patungo roon ang kaniyang ama’t ina para makita ito.

Samantala, kabilang din sa 13 Marines na nasawi si 1st Lt. Frederick Sabillano, ang lider ng team na nakadiskubre sa P79-M na halaga ng cash at tseke sa isang bahay sa Marawi noong nakaraang linggo.

Fact-checked against the following source(s) :

Bombo Radyo, Kicker Daily News, Brigada News, GMA News