Dela Rosa: Kapabayaan ng pulis, hindi ‘intel failure’ ang dapat sisihin sa NPA raid sa Maasin

Image from PNP Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Hindi intelligence failure kundi kapabayaan ng mga pulis ang dahilan kung bakit nagtagumpay ang New People’s Army (NPA) sa isinagawa nitong pag-atake sa presinto ng pulis sa Maasin Iloilo; ito ang iginiit ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Ayon kay Dela Rosa, alam na ng mga pulis sa Maasin na posibleng maglunsad ng pag-atake ang mga rebelde sa lugar dahil nagsagawa pa ng ‘simulation exercise’ subalit masyado umanong nagkumpiyansa ang mga ito.

Partikular na sinisi ni Dela Rosa ang hepe ng Maasin Police na si Senior Inspector Ray Cordero dahil wala ito nang mangyari ang raid.

Matatandaang sinibak na ni Dela Rosa ang 24 na pulis ng Maasin Police Station pati si Iloilo Police Provincial Director Senior Supt. Harold Tuzon dahil sa insidente.

Nagpahayag din ng pagkadismaya si Dela Rosa dahil hindi man lang nakuhang manlaban ng 9 na pulis na naka-duty nang mga oras na iyon.

“I am very disappointed. They were nine here but none of them fired a single bullet. It means that the will to fight is not there, is absent.  They should have fought hard because that is already their chance,” wika ni Dela Rosa.

Pinag-iisipan na ngayon ng PNP chief na ipadala sa Marawi ang mga pulis na nasibak.

“I need personnel in Marawi now. So maybe I should sent them there because my priority are those policemen who were involved in extortion and those who are ninja cops,” dagdag pa ni Dela Rosa.