DSWD mamamahagi ng P1,000 cash aid sa Marawi evacuees ngayong linggo

Image from PTV Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Mamamahagi ng P1,000 cash assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bawat pamilyang nasa evacuation center ngayong linggo; ito ang inanunsiyo ni Secretary Judy Taguiwalo.

Sa ipinalabas na press release ng DSWD, makatatanggap umano ng naturang halaga ang mga pamilyang mula sa Marawi na pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center sa Iligan City na ang pangalan ay na-validate nila noog Hunyo 15.

Ipamamahagi ang cash assistance sa darating na Biyernes, Hunyo 23, hanggang Sabado, Hunyo 24.

Maaari umanong gamitin ang naturang halaga para makabili ng pagkain ang mga pamilyang Muslim sa darating na Eid’l Ftr, o pagtatapos ng Ramadan sa Hunyo 26.

Ang naturang halaga ay bahagi ng P5,000 na inilaan ng DSWD sa bawat pamilya na naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi, bukod pa sa food packs na patuloy na ipinamamahagi ng ahensiya.

“The remaining PHP4,000 will be released to each family when it is already safe for them to return to Marawi. We are also preparing other actions to help them when they resume their lives in their communities. Other department programs will be made accessible to them,” paliwanag ni Taguiwalo.

Ayon sa talaan ng DSWD hanggang nitong Hunyo 15, umabot na sa 69,055 na bilang ng pamilya o  kabuuang 336,783 katao ang lumikas sa Marawi at nanunuluyan sa mga temporary shelter ng gobyerno.