Ginang patay matapos pagtatagain ng mister

Ginang patay matapos pagtatagain ng mister

MAYNILA, Pilipinas  –  Patay ang isang 27-anyos na ginang sa Calauan, Laguna matapos pagtatagain ng sariling asawa nito noong nakaraang Biyernes, Hunyo 16.

Kinilala ang biktima na si Aileen Tapay, residente ng Barangay Imok ng nasabing bayan, habang ang suspek naman ay ang kaniyang mister na si Erwin Tapay, 29-anyos.

Nagtangka pang magpatiwakal ang suspek subalit napigilan ito ng mga nagrespondeng pulis at saka inaresto.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, umuwi sa bahay ang lalaki Biyernes ng tanghali at naabutang natutulog ang kaniyang misis katabi ang bunsong anak.

Bigla na lamang umanong kumuha ng itak ang lalaki saka pinagtataga ang asawa. Tinamaan ang biktima sa leeg at pisngi nito na siya niyang ikinamatay agad. Hindi naman nasaktan ang bata, ayon sa ulat.

Nakuha pang tumakas ng lalaki at nagtangka pa itong magpakamatay sa pamamagitan ng paggilit sa leeg gamit ang itak subalit napigilan ito ng mga pulis.

Matinding selos ang tinitingnang dahilan kung bakit pinatay ng suspek ang kaniyang misis. Matagal na umanong pinagbibintangan niya itong mayroong kalaguyo.

Inaalam pa kung lango sa droga ang lalaki nang mangyari ang krimen, habang inihahanda na ang kasong parricide na isasampa laban sa kaniya.