Jiro Manio lumabas na ng rehab, nangakong magbabagong buhay na

Imahe mula sa Facebook ni Jiro KatakuraImahe mula sa Facebook ni Jiro Katakura

Nakalabas na ng  rehabilitation center sa Bataan ang dating child star na si Jiro Manio.

Pinayagan nang makalabas si Jiro ng pamunuan ng rehab center dahil  ito’y nasa legal na edad naman upang magdesisyon..

Ayon sa ulat ng PEP, maayos na nagpaalam si Jiro sa rehab center sa pagnanais na makasama ang kanyang pamilya sa Maynila.

Binanggit sa column ni Lolit Solis na “Take It, Take It” sa Pilipino Star Ngayon nitong Hunyo 21 na nangako ang dating aktor na tutulong sa adbokasiya ng rehabilitation center.

Nangako rin daw si Jiro na magbabagong-buhay na.

Wika pa nito, sa anumang kahihinatnan ng kanyang buhay sa labas ng rehab  ay hindi na saklaw Ai-Ai delas Alas, na tumulong sa kaniya upang gumaling mula sa pagkalulong sa droga.

Sa retratong ibinahagi sa Facebook account ni Anjo Santos na naka-tag si Jiro Katakura, kapansin-pansing lumusog ang pangangatawan ng aktor.

Matatandaang Hunyo 2015 nang si Jiro ay natagpuang  palabuy-laboy sa loob ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Dito  na nagboluntaryo si Ai-Ai na tulungan si Jiro — na anak-anakan niya sa pelikulang  ‘Ang Tanging Ina’ — sa pamamagitan ng pagpasok dito sa rehabilitation center.