Kuta ng Abu Sayyaf  sa Basilan, napasakamay ng  tropang militar

Imahe mula sa ABS CBN Facebook account

Matagumpay na napasakamay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kampo ng Abu Sayyaf Group sa Ungkaya Pukan, Basilan; ito ay ayon kay  Joint Task Force Basilan commander Col. Juvymax Uy.

Si  Lt. Col. Andrew Bacala ang nanguna sa pagkubkob ng Task Group Hunter sa kuta nina Abu Sayyaf sub-leader Furuji Indama at Radzmil Janatul, ayon kay Uy.

Sa ulat ng Brigada News, sinabing ang kampo ng ASG ay natunton ng Task Group Hunter sa pamamagitan ng impormasyon mula sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na sumuko kamakailan sa mga awtoridad.

Malaking pinsala umano ang tinamo ng ASG sa naturang raid dahil sa serye ng airstrikes at artillery fires na pinakawalan laban sa mga ito ngunit bigo namang marekober ang mga katawan ng mga nasawi at madakip ang mga sugatang bandido, wika pa ni Uy.

Nakuha sa kuta ng ASG ang ilang matataas na uri ng baril kabilang ang dalawang M16 riffle, isang baby armalite at M1 Garand, apat na sakong bigas, solar panels, improvised explosive device components at isang dokumento na pinaniniwalaang mula sa isang Vietnamese victim.

Matatandaang nailigtas ng militar si Hoang Vo, isa sa anim na Vietnamese sailors na dinukot nitong Nobyembre 2016 sa Sibagu Island.

Ayon pa kay Uy, patuloy pa rin ang opensiba ng military upang mapigilan ang pagbabalik ng Basilan-based Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon sa Marawi City.

Si Hapilon ang itinalagang emir ng Islamic State-inspired terror group, na nanguna sa pag-atake sa  Marawi nitong Mayo  23 kasama ang Maute  group sa tangka nitong pagsakop sa lungsod.