Lalaking nagpapanggap na malapit kay Pangulong Duterte, arestado sa kasong estafa

Image from Radyo PilipinasImage from Radyo Pilipinas

MAYNILA, Pilipinas  –  Arestado sa kasong estafa ang isang lalaki na nagpapanggap na malapit umano kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang matataas na opisyal sa pamahalaan.

Kinilala ng National Bureau of Investigation (NBI) ang akusado na si Lino Espinosa Lim Jr.; isang talunang kandidato sa probinsiya ng Masbate.

Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, nagpapakilala si Lim na malapit kina Duterte, Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel at Fred Lim ng Philippine Gaming Corporationn (PAGCOR) para maloko ang kaniyang mga bibiktimahin.

Modus umano ni Lim na kukumbinsihin na mag-invest ang mga biktima sa mga proyekto ng gobyerno kapalit ng malaking interes.

Naaresto sa isang entrapment operation ng NBI Special Action Unit si Lim sa isang coffee shop sa Quezon City nitong Lunes.

Reklamo ng isang biktima, naloko umano siya ni Lim ng halos P14.5-M matapos na hikayatin siyang magbigay ng pera at hindi na nagpakita sa kaniya ng halos isang buwan ang suspek.

Si Lim ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte sa Parañaque at Mandaluyong kung saan ito nahaharap sa kasong estafa.

Hinimok naman ng NBI na lumabas ang iba pang biktima ni Lim upang magsampa ng kaukulang reklamo.