Marine na nasawi sa Marawi, marami umanong nailigtas na sugatang kasama bago nabaril ng sniper

Image from MaxDefense Philippines Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Nakapagligtas pa ng maraming sugatang kasamahan niya si PFC Gener Tinangag bago sinampalad na mabaril ng Maute sniper noong Biyernes; ito ang kuwento ng isa niyang kasamahan.

Si PFC Tinangag, kasapi ng Marine Battalion Landing Team 7 (MBLT-7), ay kasama sa 13 Marines na nasawi sa mainit na bakbakan sa Barangay Lilod Madaya kung saan nakakubli ang mga terorista.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa isang kasamahan ni Tinangag, nakausap pa umano niya ang tubong-Mountain Province na sundalo nang ipasa nito ang isang nailigtas na sugatang kasamahan.

Subalit nagulat umano siya nang ang bangkay na ni Tinangag ang dumating na kaniyang bubuhatin. Tinamaan ng sniper ang sundalo sa ikatlong balik nito para iligtas ang kaniyang mga kapwa-sundalo na may tama.

Kasama si Tinangag sa 8 Marines na ang labi ay dumating sa Villamor Airbase Linggo ng hapon.

Ibuburol muna ang mga namatay na sundalo sa Fort Bonifacio, Taguig City bago sila dadalhin ng kani-kaniyang pamilya sa kanilang probinsiya.

Si FPC Gener Tinangag ay nakatakdang iburol ng kaniyang asawa sa bahay nila sa Itogon, Benguet.