‘Maute Sister’, Arestado sa Iloilo Port

Image via Facebook pages of ABS-CBN and Rmn Iloilo

Inaresto ng mga awtoridad ang isang kapatid na babae ng Maute at ang dalawa pa nitong kasama malapit sa Iloilo port nitong Linggo ng hapon.

Ani Capt. Leopoldo Panopio, commander ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Northern Mindanao, nahuli ang kapatid ng Maute brothers habang lulan ng 2GO’s MV St. Therese of the Child Jesus.

Sinabi ni Panopio na namataan ang ‘Maute sister’ ng isang coast guard personnel sa port ng Cagayan de Oro City, noong Sabado ng gabi.

“Pagpasok sa pier ng Northern Mindanao sa CDO, medyo hindi nakuha ang pagkakakilanlan dahil hindi kawangis ng larawan sa listahan ng wanted na Maute group members,”  saad ng coast guard.

Ani Panopio, matapos nilang makumpirma ang pagkakakilanlan ng kapatid ng Maute brothers ay nagmadali silang pumunta sa Iloilo upang pigilan ang 2GO vessel, saad sa ulat ng GMA.

“Bago makadaong sa pantalan ay sinalubong na namin para makuha,” saad ni Panopio.

Ayon pa kay Panopio, gumamit ng fake identities ang kapatid ng Maute brothers sa Cagayan de Oro City port.

Napag-alamanan na ang isa sa mga kasama ng kapatid ng Maute brothers ay si Miks Jadid Romato, isang wanted na miyembro ng Maute group, na may amputated leg.

Inaalam din kung ang amputated leg ni Romato ay nakuha mula sa pakikipagbakbakan sa Marawi City.

Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nasa 242 miyembro ng Maute group ang napatay ng tropa ng pamahalaan sa Marawi.