OFW sa Hong Kong, kulong matapos mag-part time sa isang restaurant

Image from All Around Bacolod

MAYNILA, Pilipinas  –  Kulong ang isang overseas Filpino worker (OFW) sa Hong Kong matapos itong mahuli ng Immigration police na nagtatrabaho sa isang restaurant na hindi naman nakasaad sa kaniyang pinirmahang kontrata.

Nakilala ang Pinay maid na si SV Magsano; 14 taon nang domestic worker sa HK. Siya ay nahatulan ng siyam na linggong pagkakabilanggo.

Naabsuwelto naman ang isa pang lalaking OFW na si Dionne S.B.

Ayon sa Hong Kong News, nasakote ang dalawa noong Pebrero 19 matapos mamataang namamahagi ng packed lunch sa mga kustomer sa World-Wide House. Nakita rin umano ang dalawa na nangongolekta ng pera mula sa mga kustomer.

Depensa ni Dionne, napadaan lamang siya sa nasabing establisimiyento dahil nais niyang kumain ng pagkaing Pinoy.

“When I was about to leave the restaurant…one lady asked me ‘kuya, please hand me my lunch. When I handed it to the lady, and I was about to go out again, there was a crowd, and then a lady and a man said to me ‘ID, ID, ID’,” kuwento ng OFW sa korte.

Hindi rin umano siya kasama sa paghahanda ng naturang packed lunch.

Ayon naman kay Magsano, dumating siya sa restaurant bandang alas-10:30 ng umaga at umorder ng pagkain. Dumating ang mga immigration officer mga alas-11:45 at hinuli siya matapos hingan ng ID pero hindi pa dumarating ang kaniyang order.

Subalit inamin dati ni Magsano sa mga Immigration officer na nasa restaurant siya para tumulong. Paiba-iba rin ang testimonya ni Magsano dahil sinabi nitong maraming naghihintay ng order subalit kinalaunan ay sinabing wala namang nakapila.

Wika pa ni Magsano, nakalimutan niya ang kaniyang pagkain dahil dumating ang kaniyang mga kaibigan para makipagkuwentuhan. Subalit sinabi rin nitong iniaabot lamang niya ang packed lunch sa isang kustomer na huling dumating.

Sa desisyong ibinaba ni Shatin Court Deputy Magistrate Lam Tsz-kan, kinatigan nito ang alibi ni Dionne ngunit hindi umano kapani-paniwala ang kuwento ni Magsano.