Pangulong Duterte maglalaan ng P50-billion pondo para sa mga anak ng sundalo bago matapos ang termino

Imahe mula sa RTVM video

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na siya’y maglalaan ng P50-billion pondo upang tiyakin ang maayos na kinabukasan ng mga anak ng sundalo sa gobyerno bago matapos ang kaniyang termino sa 2022.

Inihayag ito ng Pangulo sa kaniyang pagbisita sa 4th Infantry Division Advance Command post sa Bancasi, Butuan City, matapos ang kaniyang limang araw  na pagliban; ayon sa ulat ng GMA.

“Sabi ko nga noon sa inyo, I will try to see that mga anak ninyo… buhay o patay, there will be money to support all your children to school. Ngayon ang sinabi ko, looking for that billion, meron na akong na-target na P20 billion, pagkaalis ko sa gobyerno na ‘to, if I can have P50 billion, trust fund… bangko ang magpatakbo,” ani  Duterte.

“That could suffice all your children, ‘wag lang galawin, ‘wag lang bastusin. That would be enough to sustain the education of your children. I promise you, I will have that P50 billion before I step down as President,” dagdag pa nito.

Muling inihayag ni Duterte ang kaniyang suporta sa mga sundalo.

“Ang masabi ko lang sa inyo, kasama ninyo ako sa lahat ng bagay. Lahat ng kailangan ninyo, may priority kayo sa gobyerno ngayon,” ani Duterte.

“I love you all. Mahal ko kayong lahat, nasasaktan ako kapag may nadisgrasya. But, ang konsuelo ninyo, hindi kayo madehado sa armas at sa lahat lalo na sa pangangailanga ninyo,” wika pa ni Duterte.

Sinabi pa ng Pangulo, bagama;t hindi maganda ang tabas ng kaniyang bibig ay sinsero naman ito pagdating sa mga miyembro ng militar.

“Ang isip ko nasa inyo lang din. I talk from the heart. Bastos ang bunganga ko but when I say that, it’s with all sincerity,”  saad pa ni Duterte.

Sinabi pa ng commander-in-chief, isa sa mga programa ng kaniyang  administrasyon ay para sa pamilya ng mga sundalo.

“Alam ko ang nasa ulo ninyo, always ang pamilya ninyo. Kaya diyan ko umpisahan ‘yung mga programa ko para sa pamilya ninyo. ‘Yung small-scale industries, small business, gusto ko sumali lahat ng asawa ng sundalo. Bigyan ka ng pera but you have to attend a seminar,”  giit ni Duterte.