Presyo ng sardinas, noodles maaaring tumaas dahil sa panukalang buwis sa asin

Image capture of video by PTV

Maaring lumobo ang presyo ng mga pagkaing malimit kainin ng mga pamilyang mahihirap tulad ng sardinas at instant noodles kapag naaprubahan ang panukala ni Masbate Representative Dr. Scott Davies Lanete na patawan ng buwis ang asin sa mga produkto.

Ayon sa GMA, tinawag ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate na anti-poor ang nasabing panukala ni Lanete at dapat umanong tutulan.

Sa ilalim ng House Bill 3719, magpapataw ng piso (P1) kada isang miligramo ng sodium na lalampas sa one third ng daily dietary allowance. Malaki raw ang magiging epekto ng panukalang batas sa presyo ng mga produkto na ginagamitan ng asin.

Mga ordinaryong mamamayan umano ang tatamaan ng panukala kapag nakalusot iyon,  ayon kay Rep.  Zarate.

“Sa ‘Asin tax,’ maski end product ang bubuwisan dahil per milligram ang kwentada nila ay napakabigat nito sa mahihirap. Dahil ang nabibili ng mga lower income groups ay halos mga  noodles, sardinas na lamang. Ito din po ang madalas na pinamimigay na relief goods,” giit pa ng mambabatas.