Smart, Globe binigyan ng 2 buwan na palugit para ayusin ang internet services sa ‘Pinas

Logos ng Smart at Globe

Nagbanta ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa dalawang higanteng telecommunications companies na kukuha na ito ng third party telcos sakaling hindi maibigay ng dalawang kumpanya ang magandang internet services sa subscribers sa loob ng dalawang buwan.

Ayon sa Abante, binigyan lamang ng palugit hanggang Setyembre ngayong taon ang Smart at Globe upang pagbutihin ang serbisyong kanilang ibinibigay sa mga consumer.

Ani DICT Secretary Rodolfo Salalima, pagod na sila sa mga pangako ng dalawang kumpanya at kung hindi raw matugunan ang pangakong palalakasin ang internet connection sa bansa ay bubuksan na ng pamahalaan sa third party ang kumpetisyon.

Dagdag pa ni Salalima, Setyembre 16, 2017 ang pangako ng Smart at Globe para ma-improve ang internet service. Hihintayin daw nila ito ngunit kung muling mabibigo ay wala na silang ibibigay na extension.

Sinabi niya rin na kanya nang ipinag-utos sa National Telecommunications Commission (NTC) na humanap na ng third party operator na may malaking partner sa abroad upang matiyak ang magandang internet service.

Hinimok din ni Salalima si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-isyu na ng executive order upang mailipat ang lahat ng data bases ng mga ahensya ng pamahalaan tungo sa DICT portal.

Sa briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ni Salalima na layon ng “one stop shop portal” na maging available ang online services ng gobyerno sa lahat ng mga tao lalo na sa mga malalayong probinsya.

Tiniyak rin nito na nakahanda na ang kanilang portal. Siniguro niya rin na ligtas at aalagaan ng DICT ang mga data na maita-transfer sa kanila.

Magugunitang ilang taon na rin ang lumipas mula noong sinabi ni Sen. Bam Aquino na ang Singtel — pinakamalaking telecommunications company sa Singapore — ay nag-aalok ng 15 megabytes kada segundo ng internet speed para sa 36.90 Singapore dollars o P1,312 kada buwan (P87 kada Mbps).

Ang True Internet ng Thailand naman ay mayroong 12 Mbps ng koneksiyon para sa bayad na 799 baht o P1,100 (P92 kada Mbps).

Fact-checked against the following source(s) :

Abante, PhilStar, Remate