Trillanes binanatan si Pangulong Duterte dahil sa hindi pagdalo sa Independence Day rites

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Walang disiplina sa katawan!

Ito ang panibagong banat ni Senador Antonio Trillanes kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos mabigo ang huli na makadalo sa ginanap na paggunita ng Araw ng Kalayaan nitong Lunes, Hunyo 12, sa Luneta Park.

Matatandaang inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi makadadalo ang Presidente dahil pagod ito at masama ang pakiramdam.

Subalit mistulang hindi katanggap-tanggap para kay Trillanes ang paliwanag ng Palasyo.

“Dito mo makikita na wala siyang pakialam, wala siyang halaga na ibinibigay dito sa very important event sa kasaysayan ng bansa,” wika ni Trillanes sa panayam ng mamamahayag sa UP Diliman.

Lumalabas umano na walang disiplina sa katawan ang Pangulo kaya nakadidismaya ang ginawa nito.

“Ano ba naman ‘yung bumangon ka nang maaga? Kita mo, walang kadisi-disiplina ‘to sa katawan itong mama na ‘to, kaya I’m very, very frustrated and disappointed na siya ‘yung presidente natin,” dagdag pa ng senador.

Nagpaliwanag naman si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na sagad ang trabaho ni Pangulong Duterte lalo na nitong huling mga araw matapos sumiklab ang kaguluhan sa Marawi.

“You know that the president has been working 24/7, meeting the troops, meeting the commanders and then late last night visiting the wounded and mga namatay [and those who died]” ayon kay Cayetano.

“So that’s why this morning he did not feel that well. Nothing to worry about. But it’s better for him to rest this morning,” anang kalihim.