60 na dating kuta ng Maute, nalinis na ng militar

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo, ika-16 ng Hulyo, na na-clear na nila ang panibagong 60 lugar na dating pinagkukutaan ng teroristang Maute Group sa Marawi City.

Ayon kay Joint Task Force spokesperson Lt. Col. Jo-Ar Herrera, ang nasabing mga lugar na kinabibilangan ng ilang gusali ay nakubkob at nalinis nila makaraan ang halos 48 oras.

Ganunpaman, mayroon pa umanong natitirang mga 500 na mga gusali na kailangan nilang i-clear sa sa mga darating na araw.

Sinabi rin ni Herrera na may aabot pa sa mga 60 hanggang 70 na miyembro ng Maute Group ang patuloy na nakikipaglaban sa tropa ng gobyerno na pinamumunuan ni Abdullah Maute.

Tiniyak din ni Herrera na maingat ang mga kasundaluhan sa ‘paglilinis’ ng mga dating kuta ng rebelde dahil posibleng tinaniman ang mga naturang lugar ng improvised explosive device (IED).

Nauna nang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo na tatapusin na ng militar ang kaguluhan sa loob ng 10 hanggang 15 na araw.